MANILA, Philippines - Dalawang pulis ang napatay habang dalawa naman ang nasugatan sa naganap na amok sa loob ng Camp Alejandro Suarez, bayan ng Bongao, Tawi-Tawi kamakalawa ng gabi.
Sa phone interview, sinabi ni P/Senior Supt. Joselito Salido, kinilala ang dalawang pulis na sina P02 Alano Julwahid, duty sentinel; at PO1 Mario Tobias.
Sugatan naman sina PO1 Bee Gubat at SPO4 Nurulla Kamaluddin na kapwa isinugod sa pagamutan sa Zamboanga City.
Ayon sa imbestigasyon, galit na nagtungo si PO1 Tobias sa nasabing kampo na may hinahanap na opisyal ng pulisya na pinaghihinalaan nitong nagmaniobra para siya mailipat sa Regional Public Safety Battalion sa Sulu Provincial Police Office.
Galit at nagmumurang umalis si PO1 Tobias matapos na pigilan ng duty sentinel na si PO2 Julwahid.
Gayon pa man, ilang minuto ang nakalipas ay bumalik si PO1 Tobias na may bitbit na M16 rifle na agad pinagbabaril si Julwahid habang pumasok din ito sa loob ng kampo kung saan ay muling namaril na ikinasugat naman nina PO1 Gubat at SPO4 Kamaluddin.
Sa halip na sumuko ay namaril pa si PO1 Tobias kung saan mabuti na lamang na walang tinamaan sa mga operatiba ng pulisya na rumesponde kaya napilitan ang arresting team na barilin ito. Joy Cantos