RIZAL, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa 26-anyos na car racer matapos itong pagbabarilin ng hindi kilalang lalaki sa pag-aaring auto shop sa Bankers Village sa Antipolo City, Rizal noong Miyerkules ng tanghali.
Pitong bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Bong Hilario ng Antique Street, Phase 2 sa nabanggit na lungsod.
Si Hilario ay nag-champion sa 2013 Trans Sports Competition na itinuturing na Honda master at ang kanyang huling ginawa ay ang pangarerang 2004 Honda S2000 na isa sa pinakamahusay na sports roadsters sa buong mundo.
Sa imbestigasyon ni PO3 Elvis Mariquina, nakikipagkuwentuhan ang biktima sa kanyang customer sa H3 Autoworks na nasa bakuran ng kanyang bahay nang lapitan ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na lulan ng motorsiklo.
Nagkuwaring magpapagawa ng motor ang lalaki saka pinutukan ng ilang ulit ang biktima.
Gayon pa man, hindi nasaklolohan ng ilang nakasaksi sa pamamaril sa takot na madamay kung saan mabilis na tumakas ang gunman sakay ng motorsiklo.
Nakarekober sa crime scene ang pitong basyo ng bala habang patuloy naman ang imbestigasyon.