QUEZON, Philippines – Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang 31-anyos na obrero ng kanyang nakatatandang kapatid dahil sa pagiging pasaway at badboy nito kamakalawa ng gabi sa Barangay Kalibo, bayan ng Calauag, Quezon. Nagtamo ng mga tama ng saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan si Roel Bo habang tumakas naman ang suspek na kuya nitong si Rode Bo, 44, kapwa may-asawa, at nakatira sa nasabing barangay. Sa ulat ng pulisya, dumating nang lasing ang biktima sa kanilang bahay kaya kinompronta ito ng suspek at sinabihang tigilan na ang pagiging pasaway sa mga magulang at ang pagiging siga. Sa halip na pakinggan ay sinuntok ng biktima ang kanyang kuya kung saan nagtungo naman sa kusina ang suspek para kumuha ng patalim saka inundayan ng sunud-sunod na saksak ang nakababatang kapatid.