MANILA, Philippines – Dalawang sundalo na nagbabantay sa banana plantation ng Sumifru ang kinidnap ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Barangay San Roque, bayan ng New Corella, Davao del Norte kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga sundalo na sina Corporal Benjamin Samano at Pfc. Mark Alvin Ricarte na kapwa nakatalaga sa Army’s 60th Infantry Battalion na pinamumunuan ni Lt. Col. Roberto Bunagan Jr.
Napag-alamang nagpanggap na manggagawa sa banana plantation ang mga rebelde sa pagpasok kaya nagawang kidnapin ang dalawang sundalo na nakabantay sa plantasyong nasa ilalim ng pamamahala ng Japanese company.
Kinomander ng mga rebelde ang Elf truck (PKB 360) ng kumpanya at tinangay ang dalawang sundalo patungo sa direksyon ng Barangay Napungas, bayan ng Asuncion.
Kaugnay nito, nagpakalat na ng tropa ng sundalo sa nasabing lugar upang ma-pressure ang mga rebelde na palayain ang dalawang bihag.