MANILA, Philippines – Bumagsak sa mga awtoridad ang isang notoryus na miyembro ng mga bandidong Abu Sayyaf Group na sangkot sa serye ng kidnapping for ransom (KFR) sa isinagawang operasyon sa Brgy. Landang Laum, Sacol Island, Zamboanga City nitong Biyernes.
Kinilala ni Captain Rowena Muyuela, Spokesperson ng AFP Western Mindanao Command ang nasakoteng suspek na si Wahid Pingli alyas Gaffur na nasamsaman ng isang Elisco M16 na may magazine at 17 rounds ng mga bala.
Ayon kay Muyuela bandang alas-4:30 ng madaling araw ng masakote ng tropa ng Joint Task Group Zamboanga ng AFP at ng Zamboanga City Police ang suspek sa nasabing lugar.
Sa tala, si Pingli ay may nakabimbing warrant of arrest kaugnay ng kasong kidnapping at serious illegal detention na inisyu ni Regional Trial Court-Zamboanga City Branch 14 Judge Reynerio Estacio.
Kabilang naman sa mga naging biktima ng grupo ni Pingli ay ang negosyanteng si Inocente Bautista na dinukot noong Mayo 27, 2008 sa Brgy. Tetuan sa lungsod ng Zamboanga. Ang biktima ay pinalaya noong Hunyo 9 ng nasabi ring taon sa Brgy Manicahan ng naturan ring siyudad. Gayundin ang pagdukot kay Vicente Barrios, 60 anyos noong Hunyo 17, 2010 sa Brgy. Bolong, Zamboanga City na pinalaya naman noong Agosto 2.