MANILA, Philippines – Patay ang fleet manager ng isang international Non Government Organization (NGO) matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakilalang riding in tandem na mga armadong salarin sa naganap na ambush sa Estancia, Iloilo kamakalawa.
Kinilala ang nasawing biktima na si Andrew Gil Peñafrancia, 24 anyos, nagtamo ng limang tama ng cal. 45 pistol, dalawa rito ay sa kaniyang likod, isa sa braso, kanang pisngi at isa sa ulo.
Sa ulat ni Sr. Inspector Lorenez Losaria, hepe ng Estancia Police, naganap ang insidente bandang alas -5 ng hapon sa harapan ng boarding house ng biktima sa Brgy. Cano-an ng bayang ito.
Ayon sa imbestigasyon, lulan ng kaniyang motorsiklo ang biktima na kararating lamang sa gate ng kaniyang boarding house nang pagbabarilin ng riding in tandem na sumusunod dito bunsod upang mahulog ito sa motorsiklo.
Pagbagsak sa kalsada ay nilapitan pa ang biktima ng mga salarin at muling pinagbabaril upang tiyakin na hindi na ito mabubuhay pa. Naisugod pa sa Jesus Colmenares Memorial District Hospital ang biktima pero hindi na naisalba ang buhay nito.
Nabatid na ang biktima ay bagong promote na Fleet Manager ng Action Against Hunger/ACF International, isang pandaigdigang humanitarian organization na sumasagip sa mga batang nagugutom.
Samantalang kabilang naman sa motibo ng krimen na sinisilip ng mga awtoridad sa kasong ito ay ang posibilidad na may kinalaman ito sa trabaho ng biktima.