BATANGAS, Philippines – Pinabulagta ang dalawang negosyante makaraang pagbabarilin ng mga di-kilalang lalaki sa naganap na magkahiwalay na karahasan sa Batangas noong Huwebes.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Omega Jireh Fidel, Batangas PNP director, niratrat at napatay ang 25-anyos na restaurant owner na si Rance Berbard Cantos habang sakay ng kanyang kotse kasama ang syota pagsapit sa panulukan ng F. Alix Street at Margarita Street sa bayan ng Nasugbu, Batangas.
Si Cantos na may-ari ng Pendong Tapsilogan ay namatay habang ginagamot sa Jabez Medical Center dahil sa mga tinamong tama ng bala ng cal. 45 pistol habang ligtas naman ang kanyang kasintahan.
Samantala, napatay din ang 40-anyos na chicken dealer na si Edgardo Maralit ng Barangay Cawongan, bayan ng Padre Garcia matapos itong tambangan ng mga di-kilalang kalalakihan sa Barangay Maraouy, Lipa City.
Naganap ang pamamaril habang magdedeliber ng manok sa kanyang kliyente ang biktima bandang alas-8:10 ng umaga.
Pinaniniwalaang hindi pagkakaunawaan sa kanyang business partner ang anggulong tinitignan ng mga imbestigador na posibleng motibo sa pamamaslang sa biktima.