Sanggol inihagis ng nanay, patay

MANILA, Philippines - Dahil lamang sa pagkabulahaw sa pagtulog, napa­tay ang isang sanggol na lalaki matapos itong ihagis sa pintuan ng sariling ina sa Carcar City, Cebu kamaka­lawa ng tanghali.

Kinilala ang isang taong gulang na biktimang si Eugene Tulod Gomez na namatay ilang oras  matapos na isugod sa Carcar City District Hospital. ?

Pormal namang kinasuhan ang suspek na si Cathe­rine Tulod ng General Luna Street sa Barangay Poblacion II sa nasabing lungsod.

Sa phone interview, sinabi ni PO2 Camia Codo, ang naganap na insidente ay ipinaabot sa mga awtoridad ng kapatid ng suspek na si Ronil Tulod.

Isinailalim na sa psychogical test ang suspek upang mabatid kung may diprensya ito sa pag-iisip bago isalang sa prosecutor’s office.

Base sa imbestigasyon, nag-iiyak ang sanggol na nagugutom kaya ginising ni Ronil ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Catherine para padedehin ang anak pero nagalit pa ito matapos na mabulahaw sa pagkakatulog.

Gayon pa man, kaagad na hinawakan sa dalawang paa ng bagong gising na ina ang kanyang anak saka inihagis sa pintuan na sa lakas ng pagkakahambalos ay halos nabasag ang bungo.

 

Show comments