CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines – Arestado ang 36-anyos na traysikel driver makaraang punitin nito ang P20 na ibinayad sa kanya ng pasaherong kawani ng Department of Justice noong Lunes ng umaga. Pormal na kinasuhan ni P/Supt. Joselito Villarosa, hepe ng Cabanatuan PNP, ang suspek na si Alexander Sunga ng Purok 3, Barangay San Juan Accfa sa nasabing lungsod. Si Sunga ay inaresto ng pulisya matapos ireklamo ni Elizabeth Diesta, 54, administrative assistant ng DOJ dahil sa ginawang pagpunit ng P20 na kanyang ibinayad. Napag-alamang hindi nasiyahan ang suspek sa ibinayad ni Diesta at nanghihingi pa ng karagdagang pasahe. Base sa umiiral na batas na ang sinumang magpupunit ng anumang halaga ay pagmumultahin ng P20,000 o kaya makukulong ng maximum na 5-taon.