NORTH COTABATO, Philippines – Pinabulagta ang isa sa bagong witnesses sa Maguindanao Massacre case habang isa naman ang sugatan matapos tambangan ng mga di-kilalang kalalakihan sa bayan ng Shariff Aguak, Maguindanao kahapon ng umaga.
Kinilala ni Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu ang napatay na si Denix Sakal ng Shariff Aguak at sinasabing dating driver ni Andal “Datu Unsay” Ampatuan, Jr. habang sugatan naman ang kasama nitong si Sukarno “Butch” Saudagal na dati namang “bagman” o nagdadala ng bag na may lamang pera ni Datu Unsay.
Ayon kay Governor Mangudadatu, patungo sana ang mga biktima sa bayan ng Buluan sa Maguindanao upang makipagkita sa mga abogado nito subalit niratrat pagsapit sa Barangay Bagong, Shariff Aguak.
Nabatid na pirma na lang sana ang kulang sa statement nina Sakal at Saudagal para dalhin sa Maynila laban sa mga akusado ng Maguindanao Massacre.
Wala namang nakikitang ibang motibo si Governor Mangudadatu sa pag-ambush sa mga biktima, maliban sa paglantad ng mga ito bilang bagong witnesses sa nasabing kaso.
Tiniyak naman ni Governor Mangudadatu sa pamilya ng mga biktima na patuloy nilang iimbestigahan ang naganap na pananambang para mabigyan ito ng hustisya.