NORTH COTABATO, Philippines – Maagang sinalubong ni kamatayan ang 19-anyos na college student habang 17 naman ang nasugatan makaraang sumabog ang bomba na itinanim ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa overpass malapit sa elementary school sa Barangay Poblacion, bayan ng Kabacan, North Cotabato kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Health Emergency Management Officer Honey Joy Cabellon ang biktimang napuruhan sa ulo na si Monique Mantawil, 19, 2nd year college sa kursong Development Communication sa University of Southern Mindanao.
Ginagamot ngayon sa Cotabato Provincial Hospital at Kidapawan Medical Specialist sina Richie Baguio, Technician, OSY; Mohamid Masukat, BS InfoSys, Midsayap, Cotabato; Queen Mary Alimihamed ng Liton, Kayaga, Kabacan; Arvie Estrella, BS Agri Bus, Kidapawan City; Giezel Mae Butil, 17, BSE, Isulan, Sultan Kudarat; Albert Pagatpat, BSA, Alabel, Saranggani; Rowena Nofies, 17, BSA; Tonton Kusain, 21, BSBE, Midsayap, Cotabato; Girlie Roiles, 17, BS computer Engineering, Kilagasan, Kabacan; Samrah Sembaga, 19, BS Bio; Jestoni Gevero, 20; 4th year sa Kabacan National High School, ng Sitio Liton, Kayaga; Ibrahim Buntulay, 19, AB Pol Science, Pikit, Cotabato; Hartzel Bragat, 18, BS Bio, ng Katipunan, Arakan; Merwin Lagat, BSE; at si Rojanna Pio, BSE, Patadon, Matalam, Cotabato.
Sugatan ang isa pang BPAT na si Usman Dimacaling matapos itong rumesponde sa blast site.
Ayon kay P/Senior Insp. Jerwin Castroverde, gawa sa 60mm mortar ang bomba na itinamin ng mga di-kilalang lalaki sa itaas ng overpass sa harapan ng Pilot Elementary School.
Samantala, isa pang bomba ang narekober naman ng pangkat ng militar at pulisya sa gate ng nasabing eskuwelahan.
Maglalaan ang provincial government at lokal na pamahalaan ng Kabacan ng P.2 milyon na reward money sa sinumang makapagtuturo sa mga responsable sa pagpapasabog.