Psychology student bumili lang ng dessert, inutas

CAVITE, Philippines – Patay ang isang 20-anyos na college student matapos na pagbabarilin ng dalawang ‘di nakilalang suspek, habang ang biktima ay naglalakad upang bumili ng kanilang dessert kamakalawa ng gabi sa Brgy. Bulihan, Silang, Cavite.

Kinilala ang biktima na si Raymond Quintero, kukukuha ng kursong B.S Psychology at residente ng Zone 9, Blk. 134 Lot 15, AFP Housing, Brgy. Bulihan ng nasabing bayan.

Sa imbestigasyon ni PO1 James Lapinid, alas-11:00 ng gabi nang i-report sa pulisya ng ama ng biktima na si Nestor Quintero kaugnay sa brutal na pagpatay ng mga di kilalang suspek sa kanyang anak.

Dakong alas-10:00 ng gabi  matapos na magsalo ang mag-ama sa hapunan at lumabas lang ng bahay ang biktima at bumili ng dessert. Habang naglalakad, tinapatan umano ng mga suspek at sunud-sunod na pinaputukan. Nang dugu­ang bumulagta, agad na tumakas ang mga salarin sakay ng kanilang Mio na motorsiklo.

Nabatid pa sa kaibigan ng biktima na si Prince Seaborne, kung saan ito ang nagdala sa pagamutan sa biktima, nakasuot umano ng mga itim na leather jacket at maong pants ang mga suspek.

Inaalam na ng pulisya ang motibo sa pamamaril.

Show comments