MANILA, Philippines – Nasakote na ng mga awtoridad ang isang tinaguriang No. 6 most wanted at notoryus na lider ng kidnap for ransom group (KFRG) kasama ang live-in partner nito matapos silang magpasita sa isang police checkpoint kamakalawa sa Brgy. Bahi, Alburquerque, Bohol.
Kinilala ni PNP-AKG Director P/Sr. Supt. Roberto Fajardo ang suspek na si Tyrone Bianco de la Cruz, umano’y sangkot sa kidnapping for ransom sa Metro Manila at karatig lalawigan. Arestado rin ang live-in partner nitong si Jhean Louise Bitoy, na wanted din sa batas.
Bandang alas-3:15 ng hapon nang masakote ng elite operatives ng PNP-AKG at ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Intelligence Groups at Bohol Police ang mag live-in partner sa nasabing lugar.
Ayon kay Fajardo si de la Cruz ay may warrant of arrest na inisyu ni Judge Bernelito Fernandez ng Regional Trial Court Branch 92, 4th Judicial Region, Calamba City sa kasong kidnapping for ransom. Samantalang si Bitoy ay may warrant of arrest sa pagtulong sa pagtakas ng puganteng live-in partner na si dela Cruz sa Cavite Jail noong 2013.
Sakay ng Toyota Corolla (TEY-814) ang dalawang suspek na dumaan sa checkpoints ng pulisya na tumangging sumailalim sa inspeksyon nang paharurutin ang behikulo kaya hinabol ng mga awtoridad. Aksidente namang sumalpok sa poste ng kuryente ang behikulo bunsod upang masugatan at masakote ang dalawang suspek.