Onsehan: 2-katao itinumba

CAVITE, Philippines – Pinaniniwalaang onsehan sa mala­king halaga ng modus ope­randi ang isa sa motibo kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ang dalawang lalaki ng tatlo nilang kasabwat sa krimen kahapon ng umaga sa Barangay Victoria Reyes, Dasmariñas City, Cavite.

Kabilang sa mga napaslang ay si Arnulfo Cuevas ng Block 20 Lot 17 sa Barangay Narra 2, bayan ng Silang, Cavite at ang kasama nitong alyas Ogie.

Hindi naman nakilala ang tatlong suspek na kaagad na tumakas tangay ang bag na hawak ng  isa sa dalawang biktima.

Sa police report na isinumite kay P/Supt. Carlos Barde, hepe ng Dasmariñas City PNP, lumilitaw na magkakasabay na naglalakad ang mga biktima at tatlong suspek patungo sa nakaparadang kulay green na van na pag-aari ni Cuevas nang magkasagutan ang mga ito.

Ayon sa ilang nakasaksi, ang dalawang biktima at tatlong suspek ay nagmula sa kanilang lungga kung saan naganap ang pamamaril pagsapit sa labas ng nakaparadang van.

Sinisilip ng mga awtoridad ang anggulong onsehan sa partihan sa malaking halaga na kanilang nakuha sa hindi nabatid na modus operandi.

 

Show comments