MANILA, Philippines – Anim na sundalo ng Phil. Army ang bumulagta makaraang ratratin ng mga bandidong Abu Sayyaf sa liblib na bahagi ng Sitio Mompol, Barangay Libug, bayan ng Sumisip, Basilan kahapon ng umaga.
Sa ulat ni Col. Rolando Bautista, commander ng 104th Army Brigade, nagpapatrolya ang mga sundalo na ipinadala para i-secure ang patuloy na proyekto ng Basilan Circumferential Road na may 64-kilometrong haba nang pagbabarilin ng mga bandido bandang alas-7 ng umaga.
Anim na sundalo ng 64th Infantry Battalion ng Phil. Army kabilang ang isang 2nd lieutenant ang napatay sa 45-minutong bakbakan.
“My soldiers are securing the Basilan Circumferential Road project to ensure its timely completion before the end of this year. I am saddened this senseless violence against our soldiers who are helping deliver public services for the people,” pahayag pa ni Col. Bautista.
Pinaniniwalaang pangkat ni Abu Sayyaf lider Radzmi Jannatul ang nasa likod ng pamamaril sa mga sundalo.
“I will press criminal charges against these bandits who are harassing the security forces that are deployed to protect the workers of the Saudi-assisted 64-km road project,” dagdag pa ni Bautista.