4 holdaper bulagta sa shootout

Sinusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang ilang gamit ng apat na holdaper matapos na mapatay sa shootout sa Brgy. Ligas, Malolos City, Bulacan kahapon ng umaga. Kuha ni Boy Cruz

BULACAN, Philippines – Bulagta ang apat na kalalakihang miyembro ng notoryus na robbery/hold-up gang makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya  sa nabigong panghuholdap sa kilalang cooperative bank sa Barangay Ligas, Malolos City, Bulacan kahapon ng umaga.

Nakilala naman sa narekober na mga IDs. ang mga napatay na sina Edgar Rioferio, 42, ng Parola Street, Binondo, Manila; Allan Saavedra ng Barangay San Rafael, San Jose Del Monte City, Bulacan; Reynaldo Chenilla, barangay tanod, ng Camarin, Caloocan City; at ang drayber ng getaway vehicle na si Noel Bautista ng Pacheco Street, Tondo, Manila.

Samantala, sugatang naisugod sa ospital si PO3 Marlon PJ Manalad ng Malolos City PNP na tinamaan sa kaliwang braso at ang sibilyang si Vicente Santiago ng Brgy. Ligas.

Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Arwin Tadeo, tangkang pasukin ng mga armadong holdaper ang Palayan sa Nayon Multi-Purpose Cooperative Bank  sa Campupot Street sa nasabing barangay.

Subalit namataan naman ng mga pulis na nagpapatrolya kaya sumiklab ang bakbakan matapos magpaputok ang tatlong holdaper kung saan napatay ang mga ito.

Tinangkang tumakas ni Bautista na nagmaneho ng Toyota Vios (TQK-561) subalit napatay din pagsapit sa crossing ng Barangay Mojon makaraang maki­pagbarilan sa mga tumutugis na pulis.

Sa beripikasyon, lumitaw na ang Toyota Vios na ginamit ng apat ay nakarehistro sa pangalan ni Ryan Arnold Flavio ng Ugong, Valenzuela City, Metro Manila.

Narekober sa apat ang cal.45 pistol, dalawang cal.38 revolver, mga bala, mga uniporme ng pulis, bonnet, cal. 22 machine pistol at ang kotseng Toyota Vios.

Sa tala ng pulisya, naholdap na rin ang nasabing kooperatiba noong Marso 4, 2010 at Nobyembre 13, 2012 kung saan tatlong holdaper ang napatay. Dagdag ulat ni Joy Cantos

Show comments