Pick-up salpok sa puno: 4 dedo, 2 grabe

CAMARINES NORTE, Philippines – Humabol sa Undas ang apat-katao kabilang ang da­lawang apo ng Bokal habang dalawa naman ang malubhang na­sugatan makaraang sumalpok ang isang pick-up sa punungkahoy sa gilid ng Maharlika Highway sa Barangay Sto. Domingo, bayan ng Vinzon, Camarines Norte kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga namatay na sina  Raisa Antoinette  Azanza, 25, nurse, ng Don Antonio, Quezon City; Jack Dacuba ng Camarines Sur; Jhed Rayven Malubaya, 12; Mathew Abiel Go De Leon, 14; kapwa apo ni Board Member Teresita Malubaya, mga nakatira sa bayan ng Labo, Camarines Norte.

Patuloy namang ginagamot sa Leon Hernandez Memorial Hospital ang mga sugatang sina Kevin Villamonte, 25, driver ng sasak­yan, ng Greenview Subd. sa Brgy. Camambuang, Daet, Camarines Norte; at Rosalyn Tuazon, 25, ng San Jose Street, Manila.

Sa police report na isinumite kay P/Senior Insp. Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Camp Simeon Ola, patungong bayan ng Labo ang mga biktimang lulan ng Toyota Hi-Lux (UXI-886) mula sa bayan ng Daet nang makasalubong ang trahedya.

Dahil sa sinasabing patuloy na buhos ng ulan at madulas ang kalsada ay nawalan ng kontrol sa manibela si Villamonte kaya nagtuluy-tuloy na sumalpok sa punungkahoy sa tabi ng highway saka sumalpok pa sa sementadong pader ng motorpool.

Show comments