Hulog sa open manhole: 3-anyos nasawi sa mismong birthday

MANILA, Philippines - Sa halip na masayang selebrasyon, kamatayan ang sumalubong sa ika -3 taong kaarawan ng isang batang babae makaraan itong aksidenteng mahulog sa manhole sa Dagupan City, Pangasinan kamakalawa.

Kinilala ang nasawing biktima na si Jessica Rama, residente ng Brgy. Bonuan, Dagupan City.

Sa ulat ni Supt. Christopher Abrahano, Director ng Dagupan City Police, sandali lamang nalingat ang lola ng biktima na hindi napansin na lumabas ng bahay ang apo.

Kasalukuyang naglalaro ang bata bandang alas-2 ng hapon nang aksidente itong mahulog sa open canal sa lugar na naging mitsa ng kamatayan nito.

Nabatid na abala ang pamilya ng bata para ipagluto ito ng masayang salu-salo sa kaniyang kaarawan ng mangyari ang masaklap na trahedya.

Bunga nito, agad na ini-report ng mga residente sa mga awto­ridad ang nasabing insidente kaya’t  tinakpan na ang nakabukas na manhole upang maiwasang maulit pa ang nangyaring sakuna. (Joy Cantos)

Show comments