MANILA, Philippines - Rehas na bakal ang binagsakan ng tatlo-katao na sinasabing namemeke ng pera makaraang arestuhin ng mga operatiba ng pulisya sa bayan ng Sta. Cruz, Laguna kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni P/Chief Insp. Ludovico Soriano na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang mga suspek na sina Bhong Soliman, 28, ng Sta. Cruz, Manila; Cyruz Soliman, 34; at si Kim Infante, 27, pawang nakatira sa Barangay Commonwealth, Quezon City.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na naaktuhan ang mga suspek sa pot session sa loob ng isang hotel sa Barangay Pagsawitan.
Nasamsam sa mga suspek ang 23-piraso ng pekeng P500 bills; 20-piraso ng pekeng P1,000 bills; pekeng US dollar bill; at mga paraphernalia sa paggawa ng pekeng pera.
Nasamsam din ang ilang plastic sachet ng shabu at mga drug paraphernalia.
Naibebenta ng mga suspek sa halagang P400 ang isang piraso ng pekeng P1,000 habang P200 naman ang benta sa kada piraso ng pekeng P500.
Napag-alamang miyembro ng Bryan Gang ang mga suspek na may operasyon sa Laguna at karatig pook.