MANILA, Philippines - Sinalubong ni kamatayan ang mag-ama makaraang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan sa panibagong karahasang naganap sa Sitio Tiosan, Barangay Poblacion sa bayan ng Leon Postigo, Zamboanga del Norte kahapon ng umaga. Kinilala ang mag-ama na sina Jose Ansong, 50, dating barangay kagawad ng Nasibac; at Pastor Ramil Ansong, 29, ng Adventist Church. Nakaligtas naman ang misis ni Jose na si Rosaria Ansong, at mga kasamang sina Martino Mocay, Mersalyn Abitan, at si Florita Abitan. Sa police report na isinumite sa Camp Crame, lumilitaw na patungo sa nasabing barangay ang mga biktima para tumanggap ng cash bilang benepisyaryo ng Pamilyang Pilipino Program (4Ps) nang pagbabarilin pagsapit sa liblib na bahagi.