BULACAN, Philippines – Dalawa-katao ang namatay habang dalawa naman ang sugatan makaraang sumalpok sa likuran ng trailer truck ang SUV sa kahabaan ng North Luzon Expressway sa Barangay Dulong Malabon, bayan ng Pulilan, Bulacan kamakalawa ng madaling araw. Idineklarang patay sa Bulacan Medical Center ang mga biktimang sina Rizal Bugarin, 67; at Maria Cristina Arceo, 27, habang sugatan naman sina Johnny Moore, 60, drayber ng SUV, U.S. national; at Edwin Mendoza, 39, mga residente sa bayan ng Lipa City, Batangas. Sumuko naman sa pulisya ang drayber ng trailer truck na si Roderick Rabanes, 34, ng Gen. San Miguel sa Sangandaan, Caloocan City. Sa imbestigasyon ni PO3 Jaime Alfonso, tinatahak ng mga biktima ang kahabaan ng nasabing highway lulan ng Toyota Innova (VFH-665) patungo sa Manila nang sumalpok sa likurang bahagi ng truck (TZQ-761) na minamaneho ni Rabanes. Pinaniniwalaang nakaidlip ang drayber na si Moore kaya naganap ang trahedya.