MANILA, Philippines - Dalawa katao kabilang ang hostage taker at ang misis nito ang nasawi matapos na i-hostage ng naburyong na mister na umano’y may diperensya sa pag-iisip ang kaniyang pamilya sa mahigit dalawang oras na hostage drama sa Brgy. Lumad, Pagadian City, Zamboanga del Sur nitong Biyernes.
Ayon kay Inspector Dahlan Samuddin, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 9 ang mga nasawi ay ang ginang na si Martiniana Rellon, nasa hustong gulang at ang hostage taker nitong mister na si Rene Boy Rellon Sr.
Ang ginang ay nagtamo ng mga taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siya nitong ikinasawi habang napatay naman ng mga nagrespondeng operatiba ng pulisya ang suspek nang tangkaing sugurin ng taga ang mga awtoridad.
Bandang alas-3:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa tahanan ng mag-asawa matapos ang mga itong magtalo na nauwi sa pananaga sa nasabing misis na napatay nito .
Kasunod nito ay hinostage ng suspek sa loob ng kuwarto ang mga anak pero nakatakas ang tatlo sa mga bata kung saan ang bunsong si Rene Boy Rellon Jr. ang naiwan.
Matapos ang mahigit dalawang oras pagkaraang mabigo ang negosasyon ay napilitan na ang pulisya na pasukin ang silid matapos na masilip sa butas na tatagain na nito ang bunsong anak kaya napilitan na pabulagtain na ang hostage-taker.