Suspek sa UPLB rape timbog!

MANILA, Philippines – Isang liham sa kanyang asawa ang naging susi ng mga pulis upang madakip ngayong Biyernes ang suspek sa panghahalay sa isang 17-anyos na estudyante ng University of the Philippines- Los Banos.

Ayon sa ulat ng dzMM, bandang 12:45 ng madaling araw nasakote ang suspek na si Joseph Montecillo, 26, sa bahay ng kanyang tiyahin sa Calauan, Laguna.

Napag-alamanan ng mga awtoridad ang pagtatago ni Montecillo matapos makuha ang liham na ipinadala ng suspek sa kanyang asawa na nasa ospital matapos manganak sa kanilang panlimang supling.

Nakasaad sa liham na alagaan ng mabuti ang kanilang anak habang siya ay nagtatago dahil sa nagawang panghahalay.

Nitong nakaraang linggo naganap ang krimen matapos sumakay ang biktima ng tricycle sa Barangay Maahas pasado alas-10 ng gabi.

Dinala ni Montecillo ang biktima sa madilim na bahagi ng IPB Road sa Barangay Putho Tuntungin saka hinalay.

Inihahanda na ng mga awtoridad ang kaso laban kay Montecillo na positibong kinilala ng biktima.

Show comments