3 mag-uutol patay sa kinaing pawikan

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Masyadong maaga ang salubong ni kamatayan sa tatlong magkakapatid na bata habang malubha naman ang kanilang mga magulang makaraang malason sa kinaing karne ng pawikan sa Barangay Liang, bayan ng Irosin, Sorsogon, noong Sabado ng umaga.

Hindi na umabot ng buhay sa Irosin District Hospital at Sorsogon Provincial Hospital ang mga biktimang sina Jose Bernard Alon, 5; Jacob Alon, 3; at ang bunsong si Jovelyn Alon.

Kasalukuyan namang nakikipaglaban kay kamatayan sa Sorsogon District Hospital ang mga magulang na sina Pio Alon at Theresa Alon na pawang nakatira sa liblib na bahagi ng nasabing barangay.

Nakaabot sa kaalaman ng pulisya ang naganap na insidente matapos na ipaalam ni Jose Emmanuel Elle ang pagkakalason ng mga biktima sa iniulam na pawikan sa tanghalian noong Sabado sa Brgy. Liang, Irosin, Sorsogon.

Nabatid na binili ng mag-asawang Alon ang karne ng pawikan sa vendor na si Norman Gacias saka iniluto para sa kanilang tanghalian.

Gayon pa man, ilang oras ang nakalipas ay nakaramdam ng matin­ding pananakit ng tiyan, pamamanhid ng katawan, pananakit ng ulo, pagkahilo at pagsusuka ang mga biktima kaya kaagad na isinugod sa nasabing pagamutan.

Pinaniniwalaang ‘double dead’ o patay na nang  ka­tayin  ang pawikan at ibinenta ng vendor kaya nalason ang mga biktima.

Kinumpirma naman ni Dra. Maxima Gonzales ng Irosin District Hospital na food poisoning ang sanhi ng kamatayan ng mag-uutol.

 

Show comments