Drug war: Misis utas, 6 sugatan

CAVITE, Philippines  – Bulagta ang misis ng notoryus na drug pusher na nadakip sa drug operation habang anim naman ang nasugatan makaraang tambangan ng mga di-kilalang lalaki sa kahabaan ng Aguinaldo Highway sa Barangay Tanzang Luma 5, Imus City, Cavite kamakalawa ng madaling araw.

Kinilala ng pulisya ang napatay na si Durian Pangandapon, asawa ni Macatiwas Pangandapon habang sugatan naman sina Kagawad Iba­me Hadjiasis, Haifah Hadjiasis, Hadji Raihana Makalangan, Jeffrey Sanchez, Jamael Hadjitaha, at si Inocaya Hadjitaha na pawang nakatira sa Brgy. Datu Esmael, Dasmariñas City, Cavite.

Base sa police report, papauwi na ang mga biktimang lulan ng Toyota Inova (WQD-945) na pag-aari ni Kagawad Hadjiasis mula sa Camp Pantaleon Garcia nang tambangan pagsapit sa harap ng mall sa nabanggit na lungsod.

Bago maganap ang insidente ay sinalakay ng pulisya ang bahay ng mister ni Durian na si Macatiwas Pangadapon sa Barangay Datu Esmael sa Dasmariñas City, Cavite. Nasamsam sa bahay ni Macatiwas ang ilang gramo ng shabu, marijuana, baril at mga bala kung saan inimbitahan ng pulisya si Durian sa nasabing kampo para imbestigahan.

Pinaniniwalaang puntirya ng gunmen si Kagawad Hadjiasis dahil sa nagsilbi itong testigo sa mga imbentaryo ng bawal na droga na nasamsam sa mga nakalipas na drug raid sa nasabing barangay.

Show comments