LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Dahil sa pagkakabuntis sa kanilang kapatid na dalaga, niresbakan ng mag-utol ang mister na maysala matapos itong kuyugin at pagsasaksakin sa harapan ng basketball court, Purok 5, Brgy. Binitayan, Daraga, Albay kamakalawa ng hapon.
Ang biktimang si Gener Velasco, 43-anyos, may asawa, telephone courier at residente ng Brgy. 1 EM’s Barrio, Legazpi City.
Samantalang nakilala naman ang mag-utol na suspek na sina Bonifacio Mabini Jr., nasa hustong gulang, may asawa at Wilfredo Mabini alyas Brabdon, nasa hustong gulang at pawang mga residente ng Brgy. Taloto, Camalig ng lalawigan
Sa ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong alas-3 ng hapon habang ang biktimang mister ay naglalakad papauwi sa kanilang lugar nang ito ay habulin ng magkapatid na suspek at bigla na lamang pagsasaksakin sa iba’t ibang bahagi ng katawan na kaagad na ikinasawi nito.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon na nabuntis ng biktima ang bunsong kapatid na dalaga ng mga suspek. Ed Casulla