P8M smuggled na bigas nasamsam

MANILA, Philippines - Umaabot sa P8M halaga ng smuggled na bigas ang nasamsam ng pinagsanib na elemento ng pulisya at mi­litar sa isinagawang operasyon sa pier ng Margosatubig, Zamboanga del Sur kamakalawa.

Ayon kay Capt. Franco Salvador Suelto, Spokesman ng Army’s 1st Infantry Division dakong alas-5:30 ng hapon ng masabat ang apat na 10-wheeler truck na naglalaman ng mga smuggled na bigas mula sa barkong M/L Amesia.

Bago ito, ayon kay Suelto, ay nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa ibabagsak na bultu-bultong mga bigas sa nasabing pantalan kaya’t agad na nagsagawa ng operasyon.

Sinabi ni Suelto na ang kapitan ng barko ay nakilala namang­ si Jade Jackaria na walang maipakitang dokumento para patunayang legal ang pagbibiyahe ng na­sabing mga kargamento.

Agad namang kinumpiska ng security forces  mula sa Margosatubig Police at Army’s 53rd Infantry Battalion ang saku-sakong bigas na umaabot sa 7,689 ang bilang na ang bawat isa ay naglalaman ng 25 kilo o kabuuang P8M.

Nabatid na ang consignee ng naturang mga smuggled­ na bigas ay isang sa alyas Kenneth pero hindi ito na­tagpuan.

Nagsasagawa na ng follow-up operations ang mga awtoridad sa kasong ito. Joy Cantos

Show comments