9-anyos dedo sa suntukan

MANILA, Philippines - Nauwi sa trahedya ang suntukan ng dalawang Grade III pupils matapos masawi ang 9-anyos na batang lalaki nang magtamo ng apat  na dapo ng kamao sa batok mula sa 10-anyos nitong kaeskuwela sa isang public school sa Bantayan, Cebu kamakalawa.

Idineklarang dead-on- arrival sa Bantayan District Hospital ang biktimang kinilalang si Jiel Chris De­samparado.

Sa ulat ni Sr. Inspector Jaime Santillan, hepe ng Bantayan Police, naganap ang insidente habang lunch break ng mga estudyante sa Vito Elementary School sa Brgy. Kangkaibe, Bantayan, bandang alas-12 ng tanghali.

Ayon sa imbestigasyon, tinukso umano ng 10 anyos na suspek na itinago sa pangalang Mark ang biktima na napikon kaya sinuntok ito  at bunga nito ay nagalit ang suspek.

Kasunod nito ay pinagsusuntok ng malakas ng apat na beses sa batok ng higit na nakatatandang si Mark ang walang kalaban-labang si Desamparado na biglang bumagsak at nanghina.

Ang insidente ay ini-report­ ng mga kapwa mag-aaral ng mga biktima sa kanilang mga guro na agad namang dinaluhan si Desam­parado na dumaraing ng paninikip ng paghinga kung saan nawalan ito ng malay-tao sa insidente.

Nagawa pang ma­isugod sa pagamutan ang biktima pero idineklara na itong dead-on-arrival sa paga­mutan at ayon sa mga doktor ay lubhang delikado ang suntok sa batok lalo na kapag tinamaan ang sensitibong ugat ay maaari itong ikamatay ng sinumang indibidwal.

Itinurnover naman sa Municipal Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang suspek dahil isa itong menor-de-edad.

 

Show comments