Policewoman, 2 pa tiklo sa drug bust

MANILA, Philippines - Arestado ang isang babaeng pulis at dalawa pa niyang kasamahan sa isang sting operation ng mga tauhan ng Drug Enforcement Agency sa Cagayan de Oro.

Pinangalanan ni PDEA director general Arturo Cacdac Jr. ang mga suspek na sina Senior Police Officer 1 Nancy Peralta, 44; Rodel Castillon, 35; at Arlen Lindongan, 34.

Miyembro umano si Peralta ng isang transporter drug group sa Cagayan de Oro City, dagdag ni Cacdac.

Nasakote ang tatlong suspek matapos bentahan ng shabu ang isang undercover agent ng PDEA nitong   Setyembre 30.

Bukod sa tinindang shabu ay nakuhanan pa ang mga suspek ng 15 pakete at iba't ibang drug paraphernalia.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) at Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia), Article II of Republic Act 9165, ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Show comments