Karnaper nagtago sa rice mill, arestado

Isinailalim sa tactical interrogation ng mga tauhan nina P/Supt. Ferdinand Villanueva at P/Chief Insp. Voltaire Rivera ang isa sa tatlong notoryus na karnaper na si John Noel Pupo matapos magtago sa rice mill sa Barangay San Juan, Balagtas, Bulacan. Kuha ni BOY CRUZ

BULACAN, Philippines – Kalaboso ang isa sa tatlong notor­yus na karnaper na sinasabing tumangay ng isang SUV matapos ang follow-up opera­tion ng pulisya sa Barangay San Juan, bayan ng Balagtas, Bulacan kamakalawa ng hapon.

Isinailalim sa tactical interogation ang suspek na si John Noel Pupo, 28, ng Barangay Caingin sa bayan ng Bocaue, Bulacan habang pinaghahanap naman ang dalawa nitong kasabwat.

Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Ferdinand Villanueva, hepe ng Task Force Limbas, hinarang ng mga operatiba ng pulisya ang isang Mitsubishi Montero sa Barangay San Juan dahil sa kahina-hinalang numero ng plaka.

Gayon pa man, pinaharurot ng mga suspek ang sasakyan kaya nagkahabulan hanggang sa makorner sa bisinidad ng Ramiriam Rice Mill sa nasabing barangay.

Nakatakas naman ang dalawang karnaper subalit nasakote si Pupo matapos magtago sa Saint James Rice Mill. Kasalukuyang bineberipika ang pagkaka­kilanlan ng may-ari ng SUV na may plakang MAA-20 na sinasabing kinarnap ng mga suspek.

 

Show comments