Pari, lola nagsampalan sa simbahan

MANILA, Philippines - Dahil sa mainitang pagtatalo ay nagsampalan ang isang pari at 83-anyos na lolang deboto sa loob mismo ng simbahan sa Bacolod City, Negros Occidental kamakalawa.

Sa inisyal na ulat ng Bacolod City PNP Station 8, dumulog sa pulisya ang paring itinago sa pangalang Fr. Rex para ireklamo ang matanda na itinago naman sa pangalang Lola Dionisia. 

Gayon pa man, ilang oras matapos magreklamo ang pari ay sumugod din sa presinto si Lola Dionisia at inireklamo naman ng physical injury si Fr. Rex dahil sa pananampal sa kaniya.

Ayon kay P/Inspector Ray Cordero ng Bacolod City PNP Statio 8, base sa police blotter ay inireklamo ni Fr. Rex ng unjust vexation at threat si Lola Dionisia.

Hindi naman masabi ni Cordero ang pinag-ugatan ng pakikipagsampalan ni Fr. Rex sa nasabing matanda.

Sinabi nito na ang ta­nging nakasaad sa police blotter ay nagkasigawan ang pari at ang matanda  bunga ng mainitang pagtatalo sa hindi pa malamang isyu.

Kaugnay nito, ini-refer naman ng pulisya sa barangay ang nasabing usapin para magkaayos ang dalawa.

Show comments