BATANGAS, Philippines - Apat na negosyante ang napatay habang dalawa naman ang sugatan matapos na pagbabarilin ng dalawang di-kilalang lalaki sa KTV bar sa Barangay San Juan, bayan ng Mabini, Batangas noong Linggo ng gabi.
Kinilala ni P/Chief Inspector Rosell Encarnacion, Mabini police chief ang mga napatay na sina Jonathan Tolosa, Cesar Manalo, Isco Ramos, at si Miguel Aldovino na pawang nakatira sa Barangay Sta. Maria, bayan ng Bauan, Batangas at may mga negosyong buy and sell ng scrap materials.
Sugatan naman sina Marlon Orsaal, 41; at Rea Bernales, 19, na mga nakatira rin sa Barangay Sta Maria, Bauan, Batangas at kasalukuyang ginagamot sa Mabini General Hospital.
Base sa police report, katatapos lang maghapunan ang mga biktima at nanonood ng telebisyon sa KTV bar and restaurant nang pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki bandang alas-10 ng gabi.
Kaagad na namatay sina Tolosa, Manalo, at Ramos habang namatay naman habang ginagamot sa nasabing ospital si Aldovino.
Ayon sa mga nakasaksi sa pamamril, tumakas ang gunmen sakay ng puting Toyota Corolla at sumibad patungo sa bayan ng Bauan.
Narekober sa crime scene ang 40 basyo ng bala ang M-16 rifle at Carbine rifle.
Sinisilip ng mga imbestigador ng pulisya na awayan sa negosyong scrap ang pinaniniwalaang motibo sa pamamaslang.