MANILA, Philippines - Labingtatlo katao ang nailigtas makaraang aksidenteng lumubog ang isang pampasaherong bangka na binalya ng malalakas na alon sa pagitan ng karagatan ng bayan ng Monreal at San Jacinto, Masbate, kamakalawa.
Ayon kay Chief Inspector Renato Ramos, Chief ng Police Community Relations Branch ng Masbate Police naganap ang insidente sa pagitan ng karagatan ng Brgy. Togoron, Pilar at Brgy.Guianon, San Jacinto ng lalawigang ito dakong alas-11 ng tanghali.
Sinabi ni Ramos na ang bangkang M/V Gloria 10 ay patungo sana sa pier ng Pilar ng mangyari ang insidente.
Nabatid na dakong alas-8 ng umaga ng umalis ang nasabing pampasaherong bangka sa pier ng Masbate at pagsapit sa bahagi ng nasabing karagatan ay binalya ng malakas na alon hanggang sa lumubog ito.
Nang matanggap ang distress call ay mabilis namang nagresponde ang mga elemento ng Monreal Disaster Risk Reduction Management Office at Philippine Coast Guard at nasagip ang lahat ng pasahero at crew ng bangka.
Sinabi pa ng opisyal na ang mga nasagip ay isinakay sa M/V Marina Empress patungong Pilar, Sorsogon.