Dyipni sumalpok sa bangketa: 3 dedo, 28 sugatan

Pinagtutulungan ng rescue team na maibalik sa puwesto ang pampasaherong jeepney matapos itong sumalpok sa kongkretong bangketa sa gilid ng highway sa Barangay Pias, San Fernando City, La Union kahapon ng umaga. Kuha ni VIC ALHAMBRA JR.  

MANILA, Philippines - Tatlo-katao ang namatay habang 28 naman ang nasugatan makaraang sumalpok ang pampasaherong jeepney sa konkretong bangketa sa gilid ng Pacoy Ortega Highway sa Barangay Pias, San Fernando City, La Union kahapon ng umaga.

Kinilala ni P/Supt. Julius Suriben, hepe ng San Fernando City PNP, ang mga namatay na sina Evangeline Arizobal, 34; Loren Mayo, 43; at si He­len Salcedo.

Naisugod naman sa Bethany Hospital at Ilocos Training Regional and Medical Center ang mga sugatang biktima kabilang ang driver na si Eugene Marquez, 33.

Sa police report ni SPO1 Romeo Manzo na nakarating sa Camp Crame, sumalpok ang jeepney (AVW-217) habang buma­bagtas sa pakur­badang highway kung saan nawalan ng kontrol sa manibela ang driver.

Naipit sa bakal na h­arang ng jeepney sina Arizobal at Mayo na nahirapang alisin ng rescue team.

Nabatid na ang jeepney ay patungong city proper ng San Fernando nang makasalubong ang trahedya.

 

Show comments