MANILA, Philippines - Pinalaya na ng mga bandidong Abu Sayyaf Group ang komadronang dinukot matapos ang dalawang linggong pakikipagnegosasyon ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa bayan ng Patikul, Sulu. Kinilala ni Captain Rowena Muyuela, spokesperson ng AFP-Western Mindanao Comand ang pinalayang bihag na si Lailani Bernabe, komadrona sa Luuk District Hospital. Bandang alas-6 ng umaga nang pakawalan ng mga bandidong Sayyaf si Bernabe sa liblib na bahagi ng Barangay Danag sa nabanggit na bayan. Naglakad ang biktima saka sumakay sa pampasaherong jeepney na patungong kapitolyo ng Jolo kung saan nakauwi ito bandang alas-8 ng umaga kamakalawa. Si Bernabe ay dinukot ng grupo ni Abu Sayyaf Sub-Leader Arod Wahing sa Barangay Linbug, bayan ng Panglima Estino noong Agosto 28, 2014.