BULACAN, Philippines — Pakay ngayon ng malawakang hot pursuit operations ang dating pulis matapos na ituro ng isang testigo na responsable sa naganap na panghoholdap at pagpatay sa babaeng negosyante sa Brgy. Sto. Niño, Plaridel, Bulacan nuong Miyerkules ng hapon at nakatangay ng P1.2-M cash sa biktima.
Kaagad na inatasan ni Provincial Director P/SSupt. Ferdinand Divina ang iba’t ibang sangay ng pulisya upang kaagad na mahuli at isakdal sa hukuman ang suspek na si ex-PO2 Mcford Hugo, dating nakatalaga sa Sta. Maria PNP at tinanggal sa serbisyo dahil sa kasong carnapping noong 2011.
Ayon pa sa ulat isang testigo ang nagpunta sa himpilan ng pulisya saka sinabi ang kanyang nasaksihan sa naganap na insidente at ng ipinakikita na ang rouge gallery ng mga personalidad na may kaso ay dito na positibong itinuro si Hugo na siyang bumaril sa babaeng negosyante habang hinoholdap sa naturang lugar.
Magugunita na binaril at napatay ang negosyanteng si Carmina Pagatpatan, 37-anyos, may-ari ng J-Lyn Money Changer sa provincial road sa Brgy. Sto. Niño habang lulan ng kaniyang sasakyan na hinarang ng holdaper na suspek.