MANILA, Philippines - Dalawang miyembro ng New People’s Army, isang sibilyan at isang sundalo ang nasawi sa panibagong sagupaan sa pagitan ng tropang gobyerno at ng komunistang grupo sa bayan ng Lacub, Abra kamakalawa ng gabi at nitong Sabado ng madaling-araw.
Ayon kay Lt. Col Alvin Flores, Civil Military Operations Officer ng Army’s 5th Infantry Division, dakong alas-9:30 ng gabi nang tambangan ng mga rebelde sa Brgy. Guinguinabang ang grupo ng mga sibilyan na ikinasawi ng isa sa mga ito na kinilalang si Noel Viste ng Brgy. Poblacion ng bayang ito.
Bandang ala-1 naman ng madaling-araw nang makasagupa ng tumutugis na elemento ng Army’s 41st Infantry Battalion ang grupo ng mga rebelde na ikinasawi ng isang sundalo habang 3 naman sa mga ito ang nasugatan.
Kinilala ang nasawing sundalo na si Pfc John Kevin Manuel habang ang mga nasugatan naman ay sina Cpl. Gilbert Ba-awa, Pfc. James Ericson Danao at Pfc. Randy Sayaan.
Sa isinagawang clearing operations ay natagpuan naman ang bangkay ng dalawang rebelde na inaalam pa ang pagkakakilanlan.