BATANGAS , Philippines – Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng 31-anyos na lalaki na sinasabing dinukot saka niratrat ng dalawang pulis sa tabi ng tulay noong Sabado ng umaga sa Lipa City, Batangas.
Kinilala ni P/Senior Supt. Omega Jireh Fidel, Batangas PNP director ang biktima na si Raff Rufino Katigbak ng Manggahan Street sa Barangay Sabang, Lipa City.
Natagpuan ang bangkay ni Katigbak na may pitong tama ng bala ng baril sa tabi ng tulay sa Barangay Sto. Toribio noong Sabado ng umaga.
Sa police report, lumilitaw na sumugod ang mga kaanak ni Katigbak sa police station matapos lusubin ng dalawang armadong lalaki na naka-uniporme ng pulis noong Biyernes ng gabi kung saan inutusan silang magsidapa.
Ayon sa mga biktimang sina Rolando Katigbak, 26; Rey Katigbak, 24, at tatlong menor-de-edad na lalaki, nagdeklara ng raid ang dalawang pulis na nagpakilalang miyembro ng Regional Special Operations Group (RSOG) sa Camp Vicente Lim, Canlubang, Laguna.
Habang sinusuntok, sinisipa at pakainin pa ng powdered detergent ang ibang biktima, pinosasan na ng mga suspek si Raff Katigbak bago kinaladkad sa sasakyan na may plakang NDT-539.
“Merong hinahanap na tao ang dalawang pulis na isang Mio, pero noong hindi namin maituro, binugbog na kami at binuhusan pa ng malamig na tubig,” pahayag ng isang biktima.
Samantala, ayon naman kay Lipa City PNP public information officer P/Inspector Hazel Luma-Ang, naaresto na umano nila ang isa sa dalawang suspek pero hindi pa mapangalanan habang inihahanda pa ang pormal na demanda.
“Ang suspek ay isang pulis na naka-assign sa Camp Crame at hindi sa RSOG dahil matagal nang na-dissolved ang unit na ‘yon,” ani Luma-Ang.