Komadrona kinidnap ng Sayyaf

MANILA, Philippines - Dinukot ng apat na armadong kalalakihan na pinaniniwalaang mga bandidong Abu Sayyaf  ang lisensyadong komadrona sa Barangay Libug  Kabaw, bayan ng Panglima Estino, Sulu kamakalawa ng umaga.

Kinilala ni ARMM Regional Director P/Chief Supt. Noel de los Reyes ang biktima na si Lailani Anadi na nakatalaga sa Luuk District Hospital.

Ayon sa imbestigasyon, lumilitaw na ang biktima ay lulan ng pampasaherong jeepney patungo sa kapitolyo ng Jolo nang sunggaban ng apat na armadong bandido na armado na humarang sa sasakyan.

Walang nagawa ang biktima matapos na tutukan ng baril at kaladkarin ng mga kidnaper patungo sa direksyon ng kagubatan sa Barangay Bagsak, bayan ng Talipao.

Tinangka naman ng mga lokal na opisyal sa nasabing bayan na iligtas ang biktima pero nabigo ang mga ito.

Nagsasagawa na ng hot pursuit operations ang pinagsanib na puwersa ng pulisya at Philippine Marines laban sa mga kidnaper upang mabawi ang biktima.

Show comments