NORTH COTABATO, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng mag-asawa na sinasabing notoryus na drug pusher makaraang maaresto ng mga operatiba ng pulisya sa isinagawang raid sa kanilang bahay sa panulukan ng Bautista at Datu Ingkal Streets sa Barangay Poblacion, Kidapawan City, North Cotabato kamakalawa.
Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Christian “Roy-Roy” Casayuran Velasco, 31; at Leona Gatchalian Velasco, 34, kapwa nakatira sa nabanggit na barangay.
Hinalughog ng raiding team ng PNP ang bahay ng mag-asawa sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Arvin Sadiri Balagot ng Kidapwan City Regional Trial Court Branch 17 kaugnay ng paglabag sa Section 11, Article 2 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerouse Drugs Act).
Nasamsam sa mga suspek ang isang sachet na shabu, bundle ng mga walang lamang sachet na ginagamit sa pagre-repack ng iligal na droga, toy gun at mga resibo ng illegal numbers game na last two.
Sa ngayon hinihintay na lamang ang commitment order mula sa korte laban sa mag-asawa.