MANILA, Philippines - Bulagta ang bagitong intelligence operative ng pulisya habang tatlo namang kasamahan nito ang nasugatan matapos na sumiklab ang barilan sa isinagawang drug bust operation sa Tagbilaran City, Bohol kahapon ng umaga.
Kinilala ang napatay na si PO1 Michael John Ijoc na napuruhan sa ulo kung saan naisugod pa sa Ramiro Community Hospital.
Sugatan naman sina PO3 Dudito Jasmin, PO1 Carlito Gamalo, at si PO1 Reynan Taguntungan na pawang nakatalaga sa Provincial Intelligence Unit ng Bohol Provincial Police Office.
Nabatid kay PO2 Herminigildo Gargar na nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa nagaganap na pot session at talamak na bentahan ng illegal na droga kaya inilatag ang drug bust operation sa Sitio Ugos, Barangay Poblacion.
Gayon pa man, papasok pa lamang ang mga operatiba ng pulisya ay agad na itong natunugan ng mga drug addict at tulak ng droga.
Kinakatok ng mga pulis ang bahay ni Artemio “Junjun” Tare na target ng operasyon pero nang pagbuksan ay agad ang mga itong pinagbabaril ng ilan sa mga suspek kung saan nagkaroon ng ilang minutong palitan ng putok.
Napuruhan sa ulo si PO1 John habang nakatakas naman si Tare at ilan nitong kasamahan na dumaan sa likurang bahagi ng bahay.
Samantala, inaresto naman ang ka-live-in ni Tare na si Merlinda Tesurero habang patuloy ang imbestigasyon.