MANILA, Philippines - Dalawang bandidong Abu Sayyaf na sangkot sa serye ng kidnap-for-ransom ang nasakote ng security forces ng pamahalaan sa magkahiwalay na operasyon sa Zamboanga City kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Captain Franco Salvador Suelto, spokesman ng Army’s 1st Infantry Division, unang nadakma ang Abu Sayyaf member na si Nur Hassan habang pasakay sa ferry boat patungong Basilan.
Inaresto si Hassan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu nina Judge Leo Jay Principe at Judge Danilo Bucoy ng Isabela City Regional Trial Court sa Basilan.
Kabilang sa mga kaso ni Hassan ay ang serye ng kidnapping sa Western Mindanao patikular na sa bayan ng Lamitan noong 2001 na karamihan ay mga dayuhan matapos na lusubin ng mga bandido ang isang hospital.
Samantala, sumunod namang nasakote ang isa pang Abu Sayyaf na si Jemhar Halillula Alih na gumagamit ng mga alyas na Ustadz Wahid at Memay Ali.
Bandang alas-11:15 ng gabi nang dakpin ng pulisya si Alih sa Barangay Taluksangay kung saan nasamsam ang isang granada at mga personal nitong kagamitan.