Mag-asawang trader kinidnap ng Sayyaf

MANILA, Philippines - Dinukot ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang mga bandidong Abu Sayyaf Group ang mag-asa­wang negosyante sa bisinidad ng lumang pampublikong pamilihan sa Zamboanga City noong Lunes ng gabi.

Sa imbestigasyon, naganap ang pagdukot sa mag-asawang Noel “Jong-Jong” Panes at Michelle Panes sa  kanilang tindahan sa Purok 5, Barangay Labuan, dakong alas-7:40 gabi.

Napag-alamang abala ang mag-asawa sa kanilang tindahan nang sumulpot ang mga armadong kidnaper kung saan tatlo rito ay naka-camouflage uniform.

Agad na tinutukan ng baril ang mag-asawa saka kinaladkad sa dalampasigan kung saan naghihintay ang bangkang de-motor.

Sa gitna ng komosyon ay nagawang makatakas ni Noel pero natangay ng mga kidnaper ang misis nito sakay ng bangka patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Nagsasagawa na ng follow-up operations ang mga awtoridad upang iligtas ang bihag.  

Show comments