NORTH COTABATO, Philippines — Brutal na kamatayan ang sinapit ng 27-anyos na college student makaraang halayin ay pinagsasaksak at pinagtataga ng ’di kilalang lalaki na pinaniniwalaang adik sa droga sa Barangay Lumbia, Cagayan de Oro City, Misamis Oriental noong Sabado.
Kinilala ang biktima na si Riza Saguindan, estudyante sa tanyag na unibersidad sa nasabing lungsod habang pinaghahanap naman ang suspek na pansamantalang ’di-isiniwalat ang pagkakakilanlan.
Ayon sa ina na si Yupi Saguindan, iniwan nila ang anak na nag-iisa sa kanilang bahay dahil sa mahalagang lakad.
Gayon pa man, hindi sumasagot sa cellphone ang biktima kahit ilang tawag ng kanyang nanay.
Ipinaabot din ng security guard ng Grand Europa Subd. sa kanila na ilang araw nang nakabukas ang pintuan ng kanilang bahay kahit gabi.
Kaagad namang umuwi ang mga magulang kung saan bumulaga ang duguang biktima na nakahiga sa kama.
Narekober sa crime scene ang kutsilyo at tuwalya na pinantakip sa duguang katawan ng biktima.
Natuklasan ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operations (SOCO) na aabot sa 20 saksak ang tinamo ng biktima habang patuloy ang imbestigasyon.