LEGAZPI CITY, Albay, Philippines - Tinatayang aabot sa P1 milyong payroll ang tinangay ng dalawang di-kilalang lalaki makaraang holdapin ang 50-anyos na negosyante sa harap ng kanyang bahay kamakalawa ng umaga sa Purok 1, Barangay Bagsabas, bayan ng Daet, Camarines Norte. Bandang alas-10 ng umaga nang holdapin ang biktimang si Engr. Carlito Torero habang ito ay papasok ng gate ng kanyang bahay. Hindi na nakapalag ang biktima dahil sa takot na barilin ng dalawang holdaper. Napag-alamang nag-withdraw sa banko ng malaking pera ang biktima para sa payroll ng kanyang mga kawani. Kaagad na tumakas ang mga holdaper patungo sa direksyon ng Barangay Awitan sa bayan ng Talisay.