QUEZON, Philippines - - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isa sa mga residente ang isang notoryus na kawatan ng kable ng kuryente habang nasakote naman ang kasama nito kahapon ng madaling araw sa Barangay Concepcion Palasan, bayan ang Sariaya, Quezon. Kinilala lamang sa alyas Miso ang napatay na natagpuan sa liblib na damuhan habang naaresto naman ang kasamahang si Danilo de la Cruz, 33, kapwa nakatira sa bayan ng Pangil, Laguna. Sa imbestigasyon ng pulisya, naaktuhan ng mga residente ang dalawa na nagpuputol ng kable ng kuryente sa bahagi ng Purok 7 sa nasabing barangay. Gayon pa man, nagpulasan ang dalawa kung saan ang isa ay niratrat at napatay habang si dela Cfruz naman ay nasakote. Narekober sa dalawa ang backpack, bolt cutter at putul-putol na kable ng kuryente.