Nursing stude dinedo sa bilyaran

Duguang nakabulagta ang nursing student matapos itong barilin sa batok ng di-kilalang lalaki sa bilyaran sa Barangay Wakas, bayan ng Bocaue, Bulacan kahapon. Kuha ni Boy Cruz

BULACAN, Philippines - - Hindi na maipagpapatuloy ang pagiging nursing student ng 25-anyos na mister matapos itong barilin ng di-kilalang lalaki sa bilyaran kahapon ng tanghali sa Barangay Wakas, bayan ng Bocaue, Bulacan.

Napuruhan sa batok ng bala ng cal.45 pistol ang biktimang si Niño Nicolas Leongcion, may-asawa, student sa Dr. Yanga College, at nakatira sa Greenstate Subdivision, Barangay Tiaong sa bayan ng Guiguinto, Bulacan.

Nakatakas naman ang gunman na sinasabing naka-jacket, pulang bullcap matapos samantalahin ang nagpupulasang mga estudyante na nakarinig ng malakas na putok ng baril.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Ferdinand Cabuhat, nananghalian ang biktima sa bilyaran na nasa likuran ng nasabing kolehiyo nang lapitan at barilin sa batok dakong alas-12 ng tanghali.

Kasalukuyang sinisilip ng pulisya ang anggulong love angle ang isa sa motibo sa pamamaslang.

Show comments