Sekyu todas sa kawatan ng kable

CAVITE , Philippines  – Bulagta ang 41-anyos na security guard makaraang pagbabarilin ng mga kawatan ng kable ng PLDT sa Barangay Tambo Malaki, bayan ng Indang, Cavite kahapon ng mada­ling araw.

Kinilala ng pulisya ang napatay na sekyung nakatalaga sa nasabing kompanya nas si Eliezer Comilang ng Barangay Sabang sa bayan ng Naic, Cavite.

Arestado naman ang isa sa tatlong suspek na si PO3 Jessie Oximoso, 42, ng Castanas Lejos sa bayan ng General Aguinaldo at nakatalaga sa Phil Coast Guard sa Pier 15, South Harbor, Manila.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang mag-amang kasabwat ni PO3 Oximoso na sina Manuel Cruto Sr. at Manuel Cruto Jr, kapwa nakatira sa Barangay Marahan, bayan ng Alfonso, Cavite.

Ayon kay P01 Zidney Manglo, naaktuhan ng tatlong sekyu na sina Ricardo Maliksi, Regie Baricas at ang biktima na pinuputol ng mga suspek ang kable ng PLDT sa kahabaan ng Indang-Alfonso Road matapos ipagbigay sa kanila na may nagaganap na  nakawan sa nasabing lugar.

Gayon pa man, imbes na sumuko ay nakipagbarilan ang mga suspek kung saan napuruhan si Comilang habang nasakote naman si PO3 Oximoso.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang cal .38 revolver, motorsiklo ng mga suspek at isang cellphone.

 

Show comments