MANILA, Philippines - Nagawang makatakas ng isa sa apat na empleyado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na binihag ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) noong Huwebes sa Talipao, Sulu.
Ayon kay PNP-Anti Kidnapping Task Force Sulu Commander P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., natakasan ni Lerma Jura ang kaniyang mga abductors matapos ang komosyon ng grupo sa Brgy. Danag ng nasabing bayan.
Taliwas din sa napaulat na tatlo, nilinaw ni Cruz na apat ang DSWD employees na binihag ng mga bandido nitong Huwebes ng umaga sa Brgy. Upper Sinumaan, Talipao, Sulu.
Bandang alas-5:30 ng hapon nitong Biyernes ng magawang maisahan ni Jura ang mga kidnapper na natakasan nito sa Brgy. Upper Sinumaan ng nasabing bayan.
Si Jura ay natagpuan ng tropa ng 2nd Marine Battalion habang pagal na pagal sa matinding pagod sa halos walang puknat na pagtakbo nito makaraang matakasan ang kanilang mga abductors.
Sa kasalukuyan bihag pa rin ng mga bandido sina Robert Saputalo, Nurhani Sikangko at isa pang hindi natukoy ang pagkakakilanlan na binihag noong Huwebes habang nagsasagawa ng survey sa Pantawid sa Pamilyang Pilipino Program ng DSWD.