P37-M substandard steel products, nasamsam

MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P37-milyong halaga ng substandard steel products ang nasamsam sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa Barangay Banlic, bayan ng Cabuyao, Laguna kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni P/Senior. Supt. Felipe Natividad, regional chief ng CIDG Region IV A na isinumite kay PNP-CIDG Chief P/Director Benjamin Magalong, sinalakay ng pulisya ang bodega ng negosyanteng Tsinoy sa nasabing bayan.

Arestado ang 11-katao kabilang ang limang Tsino na hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan habang isinasailalim pa sa imbestigasyon.

Nasamsam sa operas­yon ang bultu-bulto at iba’t ibang uri ng mga bakal, angle bars at nirolyong bakal na iba’t-iba ang sukat.

Ang raid ay base sa search warrant na inisyu ng Cavite Regional Trial Court laban sa South  Luzon Steel Industrial Corporation na pagmamay-ari ng negosyanteng si Luis Go na nagkataong wala sa lugar ng isagawa ang raid.

Samantala, nakipagkoordinasyon na rin ang PNP-CIDG sa Bureau of Immigration and Deportation kaugnay naman ng pagkakadakip sa limang Tsino.

Show comments